DISIPLINA AT MARTIAL LAW

Disiplina at Martial Law, nasa Nagcarlan ka pa ba ng panahon 1970’s, oo gaya ng ibang mga Pinoy ang mga kabataan noong mga panahon  na yon sa Nagcarlan ay karamihan ay disiplinado sa kanilang panahon at kabataan Masaya na makapanood ng popeye o sesame street sa kapitbahay na may tv, na kadalasan ay pinuputol ang palabas upang matunghayan ang mensahe ng pangulong Marcos na ang palagay ng mga bata ay syang may hawak ng batas (ang kinatatakutan na batas military). Noon tayo na kabataan ay alam ang may kapangyarihan, marunong tayong  tumahimik kung may nakatatanda na may gustung sabihin.
Kahit ako at ang aking mga kapamilya ay hindi gusto ang martial law ni Marcos iginagalang namin ang kanyang kapangyarihan bilang pinuno ng bansa. Ang aking tiyo na Kapitan del Baryo ay binawalan kami na magsalita ng laban sa diktador kung hindi namin gusto na humantong sa kulungan na gaya ng iba, dahil nga ang pakiramdam ng lahat ay laganap ang espiya ng regimen. Batid ng aking tiyo kung gaano ang kapangyarihan ng dictador at naiintindihan ko yoon.
Sa ngayon nakikita ko kung gaano katitigas ng ulo ng mga kabataan nakikita mo ang kabiguan sa mga magulang sa pagdisiplina. Sa ngayon hindi na takot ang mga kabataan sa awtoridad alam na nila ang salitang KALAYAAN na napakadelikado kung hindi magamit sa wasto. Paluin mo ang isang bata ngayon ay hahantong ka sa Bantay bata. Lumalaki sila na walang disiplina at gayun din ang kanilang nagiging anak dahil nga na di gaya natin na natuto ng disiplina noong ating kabataan. Masasabi ko na kahit kalaban ako ng Martial Law ay may natutunan naman ako dito, ang pagiging disiplinado.
Balikan natin ang Dekada Sitenta, dalawa lang sa kapitbahay namin ang may black and White TV di pa uso ang may kulay, kailangan mo pa na bumili sa kanilang tindahan para makapanood ka sa loob ng malapitan ang siste di na naiuwe ang suka na pinabile at tatapusin pa ang laban ni popeye at brutus, at kung gabi naman ay wild wild west, Starsky and Hucth at six million dollar man ang aabangan, hawakan mo na ang tsinelas mo habang nakikipanood dahil uso ang taguan ng tsinelas kaya madalas makikita mo na lang ang tsinelas mo sa kalye at hinagis ng mga batang salbahe.
Naalala ko pa katulong ako sa paghuhukay sa bukid ng pagtataguan ng mga baril dahil ang balita ay may ditektor  para malaman ng mga sundalo kung may nakatagong baril sa bahay.  Marami sa mga magsasaka ang  iniwasan na muna ang pagpunta sa nayon at takot na mapagkaman na maka kaliwa o kalaban ng batas militar tanda ko pa iwasan daw namin na makasalubong sa bukid si sargento G…. at pihadong kulata ng armalite ang pagbati sayo.
Bagaman at palaging may tensyon sa paligid na animo palaging may huhulihin na lumabag sa batas ay Masaya pa rin ang aming pagbibinata, nakakapag party pa rin ng magdamagan na sayawan kailangan lang ang mga kumbidado ay pwedeng stay in na alas kwatro na ang uwi pag lipas ng curfew hour kailangan patay ang ilaw at mahina ang tugtug para di madinig sa labas ng bahay.
Sa curfew hour walang pwedeng tumambay sa kalye, walang dumadaang sasakyan kundi pólice patrol na nagpapatrolya, tahimik ka lang sa pagsilip silip sa bintana, ang mga kanayunan ay mistulang ulilang libingan, ipinagbabawal pati asong gala.
Bagaman at may takot sa regimeng batas militar ang mga Nagcarlangen madami pa rin sa mga kabataan ang mga naging aktibong aktibista para makibaka at isa dito ang nabantog at naging isa sa pinaka mataas na líder na kalaban ng Regimen..
Sa ngayon naiisip ko mapalad pa rin ako na lumaki at nagbinata sa panahon ng Martial Law natutunan ko ang desiplina, paggalang sa nakatatanda at awtoridad at natutunan ko din na ipaglaban ang karapatan na maging malaya ang bayan.
Lumipas na ang panahon subalit hindi pa rin madaling malimutan ang mga bakas na madalas ay umuukikil sa ating maga isipan na tayo ay naging biktima sa saliling bayan, nandoon pa rin ang damdamin na nagpupuyos sa galit at takot sa nagdaang Regimen lalo na kapag nakikita mo ang mga nagdanas ng pahirap dahil lamang sa kataliwas ang kanilang paniniwala at layunin.
(by Bankero)

TUOD

10/17/2012

0 Comments

 
Tuod

Alam nyo ang Tuod (isang pinutol na puno o halaman na halos wala ng pakinabang). Isang araw sa aking paglilibot naisipan ko na suminsay sa sitio na kung saan ginugol ko ang aking kamusmusan. Sa may pag-lusong nandun pa rin ang matinik na kawayan na may mga pinagputulan pa ng labong napansin ko sira na ang dating sementadong daanan palusong pinamaybayan na ng mga danaw na galing sa kanal kung umuulan, masukal na rin ang daan, pawang mga tuod ng putol na puno ng niyog at bulok na slab at kusot na pinaglagarian waring pinagpuputol na ang mga puno noon pa. Ang natitira na lang ang ang malaking puno ng balite na may katapat pang isang balite sa kabila ng ilog, malakas ang tunog ng agos ng lagaslasan, napamagha ako at wala na pala ang dating tulay na semento na silbing tawiran sa sitio Bangkatan ng mga taga nayon ayon sa aking kasama naanod daw iyon ng Undoy, iginala ko pa ang aking paningin,wala na rin ang malaking bato sa gitna ng ilog na aking pahingahan tuwing dapit hapon. Naalala ko doon ako madalas na mahiga at mangarap inanod na rin pala ng malakas na agos . Tumalon-talon ako sa mga bato na naka ultaw para makatawid sa kabila sa isang malayong agwat ay may isang ga hita na kawayan na búho na tunglan pa at lahitan ang silbing tulay natawiran kahit ito ay malumot na. Sa kabila binaybay ko ang panabi ng tubig, iba na ito kaysa dati ang dating pinong buhangin ay mga layak at pastik na basura ang aking nakita. Bahagya akong napahinto hinanap ko ang mga hanay ng puno ng bignay na dati ay namumula dahil sa hitik ang bunga, iyon pala ay tuod na rin wala na rin ang malaking puno ng santol, katmon , tampoy  at yambo na nakahilera sa baybayin ng tubig tuod na rin ang matayog na kalumala na hapunan ng salaksak tuwing nagaabang ng patlay na lumulutang. Pati na ang banaba ay di rin pinatawad. Lumingon ako pakanluran at natambad sa akin ang malawak na tabag, hindi na nakapagtataka dahil sa mga puno na nawala. Ang lugar na ito ay naging daana na lamang baha twing panahon ng tag-ulan at tuyot naman kung panag-araw. Nakakapanglumo at nakakahinayang akala ko ay may magpapaalala pa ng aking kabataan , ang bakas ng nakaraan ay panay Tuod na lamang.
Sa di kalayuan ay may mga bata na namumulot ng mga tuod at sanga ng puno na inanod ng baha upang gawing uling at ipambili ng prutas, sayang kung alam lang nila, ang mga Tuod na iyon.                  (By BANKERO)
 
BANGKATAN

Alam mo ba ang Bangkatan? Ano nga ba ang Bangkatan?  Talakayin natin ito bilang isang bagay, o ang karamihan sa atin ay hindi alam kung ano nga ba ito. Ang Bangkatan ay isang uri ng panghuli ng isda na yari sa nilapat na kawayan na animo ay isang maliit na papag. Ayon sa kwento ng isang matanda sa nayon hindi raw pangkaraniwan na makikita sa ibang lugar ang bangkatan tanging sa isang lugar lang na nasasakupan ng Cabuyew lamang dahil sa kaibahan ng tubig na inaagusan ng lagaslasan. Ayon din sa aking namayapa ng ama ang mga isda na nahuhuli sa bangkatan ang siyang ginagamit na pang ulam kapag may bayanihan sa nayon at at pag-aatag na karaniwan ay pag aayos ng daang nayon at pagtatambak ng bunot sa mga naglalalim na paltakan. Naging popular ang panghuhuli ng isda sa bangkatan dahil sa doon lang halos nakikitga sa lugar na yaon na nasasakupan ng Cabuyew. Hangang ang sitio ay tawagin na Bangkatan lumipas ang panahon at bihira ang gumagawa  at nanghuhuli ng isda sa bangkatan at nalimutan na ang bagay na ito subalit nanatiling Bangkatan ang  naging tawag sa lugar na ito hangang sa kasalukuyan.
Ang Bangkatan bilang isang lugar o sitio ay naging popular dahil sa maganda nitong languyan na malalim at mahaba ang mga layon dito mo rin makikita ang tulay na kawayan na nakabitin na mistulang duyan kapag ika’y tumatawid at sa bukana pa lamang ay makikita mo ang mga puno ng tibig sa tabi ng mga balon ng bunga kasunod nito ang dalawang talaga na igiban ng mga taga nayon, nandoon din ang malaking bagin sa tapat ng layon na lambitinan ng mga manlalangoy. Sa ilalim ng tulay ay makikita mo ang hanay ng mga palirong na silungan ng mga maglalaba. Ang bunga ng mga bignay ang nagsisilbing pahiyas sa baybayin ng ilog . doon din nakatayo ang hermita na pinagdarausan ng santakrusan at pistang nayon at kapansinpansin ang mabulaklak na sampagita sa kapaligiran na nagbibigay halimuyak sa paligid. Halos lahat na yata ng bungang kahoy ay makikita mo dito at mapipitas mo kung kapanahunan. At sa paglipas pa ng panahon ay lalo pang nakilala ang sitio Bangkatan ng gawing sementado ang tulay lalong dumami ang nagdarayo upang magbalsa at magpalamig sa mga kubo sa gitna ng ilog.
Ito ang Bangkatan mula sa pag-gawa ng panghuli ng isda hangang maging pangalan ng isang lugar sa nayon ng Cabuyew at halos hindi na nalaman pa ng karamihan na ang Bangkatan ay may bahagi sa kulturang Nagcarlangin.
 (BY BANKERO)
 
ISANG ARAW SA NAYON: Ika Dalawampung Yugto;By Bankero
Takas sa Paraiso ito ang madalas ko nasasambit. Natatandaan k opa noon ang bahay namin sa nayon, ito ay yari sa kahoy at kawayan, ang bubong ay anahaw at iilang dipa lamang ang layo nito sa ilog. Sa paligid ay nandoon ang ang mga puno ang naparaming prutas na iba-iba na tanim pa ng aking lola na napakasipag sumaka, may abokado, santol, lansones, mangga, anonas, guyabano, bayabas, lipute , tsesa, lukban, dalanghita, atis, duhat, balimbing, granada, langka, yambo, tampoy, talang, makopa, saging, kaymito at meron pang kamatsile meron din kape at kakaw ito ang mga tanim na naka sal-it sa mga puno ng niyog, kaya naman sa isang buong taon ay may mapipitas kang prutas na napapanahon. May mga alaga kaming kabayo, na gamit sa bukid at may mga palakihing baboy, manok na ligaw at naparaming puting bibe na nagsisilbing liwanag sa tabi ng ilog dahil sa kulay nito. Pagkagising mo sa umaga pamumulot ng itlog ang una mong gagawin. Sa gawing kanluran na tanaw sa bintana ay ang aming halamanan na may tanim na gabi, kamote, kamoteng kahoy at mg a gulay bukod pa sa pako na pwede mong pangunin araw araw sa tabi ng ilog. Sa may batalan ng bahay ay tanaw na ang mga paloob,  paktaw at labayan na panghuli ng palos at dalag, nakataan din minsan ang pante kung gabi. Sa likod bahay ay makikita ang mga nilapat na kawayan at mga kinayas na banban at ginihay na nito, gamit ko sa paggawa ng basket at bakiran, ito ang aking pinaka libangan o kung minsan naman ay nagpapalutang ng dalag o naniniksal sa layon o sa lagaslasan. Masasabing isa itong lugar na salat sa karangyaan , subalit para sa akin ito ay isang paraiso, malayo sa ingay, sariwa ang hangin at mababait at magagalang ang mga taga nayon,
At sa paglakad ng panahon, kinailangan kong iwan ang nayon , kagaya ng iba may mga pangarap na marating ang lungsod at makapagpatuloy ng pag-aaral. Masama ang loob ko na iwan ang aming nayon kuntento na sana ako sa buhay dito, ngunit nanaig ang isang pangarap na may malayo pang marating, kung kayat ako ay nakipagsapalaran sa magulong lunsod hangang makatapos sa kolegio. Kagaad ay nagbalik ako sa nayon at naramdaman kong muli ang isang payak , simple at tahimik na pamumuhay. Ngunit sandali lamang iyon at kinailangan ko namang magtrabaho ng naaayon sa aking pinag-aralan, at nag-umpisa ako bilang isang mababang empleyado sa banko, ang gaya nga ng iba gustong marating ang mataas na pangarap, at mula sa ibaba sa pamamagitan ng ng tiyaga at pagsisikap ay narating ko ang itaas. At dumating din yung pagkakataon na makapunta sa ibang bansa na siya ring pinapangarap ng marami, nasambit ko sa sarili ko ano pa kaya, sa paglipas ng panahon malayo-layo na rin ang aking narating, salamat sa Diyos sa pag-gabay niya sa akin, ngunit bakit sa aking pakiramdam ay may malaki pang kulang, hinahanap ko pa rin yun kasimplehan ng buhay, na di gaya dito na palagi kang nakikipag habulan sa oras, halos di kayo nagkikita na magkakapamilya dahil pag- uwi ay tutulog na at yung iba naman ay pumapasok pa at kailangan mong gawin ito para di ka maiwan ng modernong takbo ng buhay. Naisip ko tuloy noong araw wala itong mga kotseng ito, itong mga computer at celphone itong modernong bahay pero mas masarap ang buhay, at nasambit ko sa sarili ang tinakasan kong lugar noon sa nayon ay isang paraiso at nandoon ang hinahanap ko ang simpleng buhay at naipangako ko sa sarili ko pagsisikapan ko na muling makabalik sa nayon at makagawang muli ng isang paraiso, isang payak at simpleng buhay sa nayon para hindi na muling takasan pa.
 
ISANG ARAW SA NAYON: Ika-labing-siyam na yugto:By Bankero
Isang araw ng Sabado isinama ako ng aking tiyo sa Talangan kung saan nakatira si Amang na aking lolo dinatnan ko na naghahasa ng kanyang jungle bolo na sabi nya ay gamit pa noon ng opisyal na sundalong hapon, pagkakita sa amin ay kami ay inutusan na umigib ng tubig sa talaga doon sa may Inlulupes, kaya dala na namin ang bumbong , ang tukil at ang Kalo na pang salok sa balon, malayo-layo rin ang igiban halos kalahating kilometro mula sa bahay, nangangalahati na kami ng lakad ng may maamoy kami na masangsang na dala ng hangin, ang sabi ng tiyo ko atangya may tikbalang, masanting ang init ng araw, alingahit ang pakiramdam, itinuloy lang namin ang  aming paglalakad ng aming mapansin na bumabalik lang kami sa iisang lugar at napansin din namin na dun sa lugar na dapat naming daanan ay may puno na nakaharang isang puno ng balite, kabado na ako alam ko inililigaw kami ng tikbalang, matagal din kami  na patuloy na hinanap ang daan hangang sa kami ay mapagod at umupo na lamang sa tabi ng puno, di kawasay dumating si Amang na paika-ika na kung lumakad  bitbit ang kanyang itak at may kung anong nakaputos sa laying, saglit na minalas ang paligid at may kung anong sinambit, pagkabunot ng kanyang itak ay pumutol ng isang maliit na sanga at isinabog ang asin na nakaputos sa laying sa puno ng balite. Pagkatapos ay nagpahatid na sya pabalik sa bahay at pinabalik kami sa pag-igib, maaliwalas na ang daan wala na ang amoy atangya, wala na rin ang balite sa daan, tanging ang kaputol na sanga ang  aming nakita, naisip ko tuloy pano kaya naalis yun puno ng balite sa daan ah mahirap paniwalaan kaya pagdating sa talaga ay uminom na lang ako ng maraming tubig at naligo sa Inlulupes at kami ay umuwi na sa bahay habang nginunguya ko pa ang bunga ng tagbak na aking nakuha.sa bahay isinalin ko ang dala kong tubig sa galong ang kay tiyo naman ay diretso sa tapayan, kinapa ni Amang ang aking leeg may hinahanap, at ako ay tinanong nasaan ang iyong kalmen, ay naiwan kopo  sa bahay, at sabi nya ay sa susunod  palagi mo daladalahin lalo na kung nagsusuot ka sa gubat at hinilingan ko pa sya ang iba pang mga kwento.

At tungkol naman sa bisa ng mga pangil ng hayop ang  aming naging paksa ang una ay ang Pangil ng Duyong o Baboy Dagat, sino man daw ang may bukol saan mang bahagi ng katawan ay asahang hindi magtutuloy kung ito ay guguhitan sa palibot ng bukol gamit ang pangil ng duyong. Ito rin daw ay mabisang sandata sa masasamang hangin at masasamang espirito. Ang sumunod ay ang Pangil ng Ahas ang bisa raw nito kung ito ay nasasa bibig ng isang tao ay tiyak na katatakutan ng mga mababangis na hayop. At ang Pangil naman daw ng Pusang Itim ay mabisa kung ibabaon ang pangil sa gitna ng patukuran ng bahay asahan mo raw na ang bahay ay hindi papasukin ng mga daga at ito rin daw ay lubhang mabisa kung ibabaon sa gitna ng taniman ng palay.  At ang Pangil naman ng Asong Itim kung ito ay ibabaon sa gitna ng linang ay asahang hindi papasukin ng mga hayop na naninira ng nga tanim. Ang Pangil naman daw ng Pagong ay mabisang ibabad sa tubig at ipainom sa taong may sakit na hapo o kung ibababad sa bibig ng may sakit ay madaling gagaling ang karamdaman. Ang kasunod ay Pangil ng Hunyango ang bisa nito kung nasa bibig ng isang tao ay hindi masasawi sa kagat ng makamandag na ahas.  Ang pangil naman daw ng Bayawak kung ibabaon sa gitna ng isang linang ay asahang hindi uubusin ang mga palay ng maliliit na ibon.  At ang huli ay ang Pangil ng Matsing na Lalaki, ito raw ay mabisa na ibaon sa isang bakuran dahil hindi raw matutuyot ang mga halaman.

Moderno na ang panahon ngayon maaring wala nang naniniwala o gumagawa pa ng nga ganitong bagay ang alam ko lamang ay madalas itong maging paksa ng mga kwentuhan sa nayon o pag nagbabarekan ang mga taga bukid, gaya rin siguro ng hangang sa ngayun ang lubid na ginamit sa pagbibigti sa sarili ay pinag aagawan na makuha yun iba ay naghahatihati pa magkaroon lamang dahil ito ay pinaniniwalaang mabisa sa pagnenegosyo di ko lang alam kung ganito rin ang paniwala sa mga karatig bayan. Hangang sa muli po….

 
ISANG ARAW SA NAYON: Ika labing-walong yugto;By Bankero
ISANG ARAW SA NAYON: Ika labing-walong yugto;By Bankero
Ang paksa naman natin ngayun ay ang bisa ng mga bunga ng kahoy , ang kwentong ito ay marahil ay naka ilang salin na sa ating kanayunan kaya pasensya na po kung may kakulangan ang istorya.  Isang araw  sa Talangan habang ako ay naglilinis ng baril na de bumba ay tinawag ako ni Amang na aking lolo may iniabot sa akin na maliit na librito, at agad ay tinanong ko Amang ano po  ito, at ang wika nya ay ipatong mo sa puno na may agwat na halos ay kalahating dipa, at pagka kuway binalahan ng hulmado ang debumba, ikinasa at iniabot sa akin at sinabi na itutuk mo sa librito, na sya ko namang ginawa, iasinta mo at iputok sa tapat ng librito, at yun na nga ang ginawa ko, laki ang aking pagkamangha ng makita ko ang bala ng debumba lumapad ang dating bilog na tingga hindi tinalaban ang librito, inusisa ko ang loob ng librito may mga letra na mahirap basahin, tanong ko Amang ano nga po   ito, at ang sagot nya yaan ay mga Orasyon, yan ang nagligtas sa amin sa bala ng mga hapon, at pagkakwan ay ipinatago na sa akin ang librito sa kahon ng pabitera. Nang ako ay bumalik ay nag-umpisa na syang magkwento at inumpisahan sa 
1.       Ang Bunga ng Tarlak- ibabad mo raw sa alak ang bunga ng Tarlak at inumin ito isang beses isang araw,  asahan mo raw na magiging makunat ang iyong balat at hindi tatablan ang kahit anong patalim at kung ito raw naman ay ibabad sa bibig ay asahan na ikaw ay hindi masusunog, ito raw ang gamit ng mga kumakain ng tagayan sa inuman kung hindi man bumibigkas ng latin na orasyon at yun dumadampot ng baga sa kalan.
2.       Ang Bunga ng Pandakaking Itim-ito raw ay mabisang panangalang sa mga taong may maiinit na bibig, at alaw ang mambabarang.
3.       Ang Bungang Kalog- ang bisa nito kung nasa katawan ng isang tao ay asahang  hindi tatamaan ng punglo, magaling sa barilan.
4.       Ang Bunga ng Kalasutse- mabisa raw ipainom ang pinaglagaan ng bunga ng kalasutse sa isang nanganak at mabilis mapanaguli ang dugo.
5.       Ang Bunga ng Kawayang Matinik-asahan mo raw na kapag ikay nakakita ng bunga ng kawayang matinik ay tiyak na lalakas ang hangin o kayay babagyo, noong unang panahon daw na wala pang barometro, ay walang nagiging palatandaan kundi ang paglitaw ng  ng bunga ng kawayan at nalalaman na kung babagyo.  Saglit na naudlot ang pagkukuwento may kinuha sa bulsa isang midalyon na taling abaka ikinuwintas sa akin at ang sabiy ayan wala ka palang kalmen parati mong isuot yan, iniutos nya na kumuha raw ako ng kalamansi at ng masubukan ang sabi ko namay bukas na po Amang at may gagawin pa po ako at ako ay tumalilis na kamas-kamas ang bigay na kalmen. May karugtong pa……

Maligno

10/17/2012

1 Comment

 
ISANG ARAW SA NAYON: Pang labing pitong yugto: By Bankero
ISANG ARAW SA NAYON: Pang labing pitong yugto: By Bankero
Umiba po muna tayong sumandali ng paksa ng kwentuhan, may alam ba kayong mga kwentong aswang, multo, tikbalang at dwende sa ating bayan? Ayon sa mga matatanda huwag daw pabayaang bukas ang pinto ng bahay kapag kumakain ng hapunan, dahil yun daw ang dahilan kung bakit papasok ang aswang sa inyong bahay na nag-aanyong hayop gaya ng baboy, aso, pusa at pwede rin daw ibon at kailangan din daw na palaging may asin sa tabi kung kumakain dahil takot daw sa asin ang mga malign. At ang daanan daw ng mga aswang ay ang mga sumusunod ang kanto ng Avenida at Bonifacio, kaya parati mo maririnig sa kalaliman ng gabi ang mga IK IK at pagaspas ng pakpak ng kung anong ibon at kung minsan nman ay may maaamoy ka na masangsang na amoy na dala ng hangin, sa huling kanto sa Avenidang ibaba doon madalas nakikita ang napakalaking aso na bigla na lamang daw naglalaho sa dilim at ang tulay na malapit sa Hospital, ayon pa kay ma Ito nung nabubuhay pa madalas daw sya magulantang sa hating gabi at nag iingay ang mga pusa sa bubong kasunod na ang mga huni ng IK IK patungo sa tayo ng lumang ospital.

Ang multo naman ay sinasabi na mayroon doon sa lumang palikuran sa Central ayon sa kwento mayroon daw pinatay doon na mag-iina kung kayat madalas naririnig doon ang daing ng isang babae. Sa lumang bahay sa Lirio madalas din pagkatakutan dahil nakikita raw dito ang anyong babae na nakaputi na walang mukha at mahaba ang buhok .

May nasagap din akong kwento sa isang lumang bahay sa mabini ay madalas madinig ang iyak ng isang sangol kahit walang tao sa bahay kaya ang sapantaha ng mga bata ay isa itong tiyanak.

Sa tapat ng dating basurahan sa Talangan sa lilim ng isang malaking puno ng mangga at antipolo, dito naman nakikita ang isang babaing nakaputi na nakalutang ang paa sa hangin at dito rin nakikita ang mga santilmo at isa ako sa nakasaksi ng mga bolang apoy. Ayon kay ma Ano na taga Kabuyew kapag ikaw ay napadasal sa takot ay ikaw ay lalapitan ng santilmo dahil ito raw ay mga kaluluwa na nangngailangan ng dasal.

Ang mga dwende raw naman ay sa silong ng H.E. sa central at dito rin dati naglalagi ang batang taga Alibumbungan na di umano ay kaibigan ng mga dwende, at dun din sa lugar ng mga punso huling nakita ang bata ng ito ay nawala ng ilang araw at ng magbalik ang bata sinabi na gusto raw siyang gawing hari ng mga ito(napalathala ang kwento sa Panorama noon) at napakalayo raw ng kanyang nilakbay bago niya narating ang kaharian ng mga dwende, at ayon pa sa kapatid ng bata bago raw mawala ito ay bagong bili ang sipit na tsinelas na suot nito ngunit ng magbalik ay halos butas na ang swelas sa nipis.
Isa pa sa kinakikitaan ng mga dwende ay ang harap ng simbahang Katoliko. Noon maraming mga tao ang gabigabi ay nag aabang dito at ang iba pay naglalagay ng mga pagkaing matatamis dahil yun daw ang gusto ng mga dwende, marami ding araw na ako ay nagpuyat kahihintay sa pagpapakita ng dwende, may mga nagsabi na nakakita mayroon namang wala raw.

Mga kwentong pwedeng totoo pwedeng hinde ang alam kong totoo ay ito ay pinag-usapan , pinagkwentuhan sa bayan ng Nagkarlan. Itutuloy po..
 

ISANG ARAW SA NAYON: Ika-labing anim na yugto; By Bankero
Saan na nga ba tumigil ang kwento, alam ko na sa mga Mutya, hangang ngayon meron pa rin na mga naniniwala sa bisa ng mutya kaya nga may mga nagtatanong kung pano ka mapagkakalooban nito.
17.Ang Mutya sa Suso –alin man daw lalaki ang nagtataglay ng mutya sa suso at makipag usap sa isang dalaga ng nasasa bibig ito ay asahang madaling mapapaibig ang dalaga, ito rin  daw ay kahalintuland ng Mutya sa bayuko.
18.Ang Mutya sa Kawayan- kung ibababad ito sa isang basong tubig at ibasa sa paligid ng mga mata ng isang tao na nais na makipagsugal, ay asahang makikita nito o masisilip ang mga baraha na nakataob at mabisa rin daw itong ipainom sa may sakit na pagkatuyo.
19. Ang Mutya sa Palos- kahiman daw at bidbirin ng tali ang katawan ng isang tao na nagiingat ng nasabing mutya, ay madali itong makakahulagpos o makakaalpas.
Bukod sa mga bisa ng mutya mayron din daw bisa ang mga uri ng kahoy na kadalasan ay sa bundok ng Kinabuhayan maaring matagpuan, sang ayon kay Ka Kardo na taga Dolores isang pator  kapag mahal na araw mga Nagkarlangin ang karamihan sa mga iginigiya nya sa pag akyat sa bundok at karamihan ay nagbabakasakali na makasumpong ng mga uri ng kahoy na sumusunod.
1.       Malindatung Itim-kung daladalahin daw   ng isang tao ang kahoy na ito, ay mabisang gamut o pang lunas ,panglaban sa mga maiinit ang bibig, sa mga mangkukulam at hin di tatalaban ng kanilang mga paraya.
2.       Malindatung Puti-Kapag inilaga ang kahoy na ito ay lubha raw mabisa sa mga may hapo at hika, magaling din daw pangontra sa mga lamang lupa.
3.       Pandadkaking  Itim- Ang bisa nito kung gagawing kwintas ng bata ang mga butil nito ay asahan daw na hindi tatablan ng gaway.
4.       Kahoy na namatay gawa ng baliti-kung ilalagay daw sa bibig ang piraso ng nasabing kahoy ay asahang hindi madadaig ang pagkalalaki.
5.       Kahoy na Luno- ang bisa raw nito kung nasa bibig ay dagling humihina ang kalooban ng kausap at sumasang ayon sa anumang sabihin.
6.       Makasilaw- ang bisa nito kung nasa katawan ng isang tao ay kinasusuluan ng kausap.
7.       Sinukuang Puti-mabisa raw ito pag nasa katawan at silbing mabisang baluti o makapangyarihang tagapagsanggalang.
8.       Sinukuang Itim- ang nagiingat daw   ng kahoy na ito ay asahang hindi malalapastangan o mapapangahasan.
9.       Sinukuang Pula-ito raw ay isang mabisang taga liwas at hindi ka tatamaan ng punglo ito raw ang madalas hanapin ng mga sundalo na susuong sa mga labanan.
10.   Dignum na Pula –ang nagsisipag ingat daw   ng kahoy na ito ay hindi nilalapitan ng masasamang ispirito, nakaliligtas sa mga sakuna at malayo sa panganib.
11.   Dignum na Itim- ang bisa raw naman nito kung iinumin ang pinagbabaran ay asahang makatatagal sa gutom, hindi magkakasakit at ligtas sa mga masasamang tao.
12.   Kahoy na Lunas – mabisa raw ito sa mga nakakagat ng ahas, kakayurin lang daw ang kahoy at ilagay sa parting nakagat ng ahas at ikaw ay maliligtas.
Doon po sa mga naniniwala sa mga bisa ng kahoy na nabangit panaka naka ay mayroon nadating dun sa Sinipian kung Biyernes na may dala nito mga midalyon kung minsan naman ay dyan sa bulante sa M.H. sa bayan at yun mga Ita na may dalang mga halamang gamut. May karugtong…..
 

 

ISANG ARAW SA NAYON: Ika labing-limang  yugto;By Bankero
Ipagpatuloy po natin ang naudlot na pagkukuwento ng tungkol sa mga bisa ng Mutya.
7. Ang Mutya Sa Tubig- ang bisa raw po nito ay kung ating isusubo sa bibig ay walang magagalit sa iyo at malamig ang kalooban ng sino mang makakausap. Yun daw pong mga taong  nag-iingat nito ay siyang puntahan ng mga magkatipan na nagtanan upang samahan pag-balik sa mga magulang.
8. Ang Mutya sa Lintik-ang bisa nito ay kagulatgulat daw magsalita ang taong nag-iingat ng Mutya sa Lintik, naalala ko nung may nag-aalboroto na may galas sa ibabang Lirio, may dalang itak at tinataga ang paligid ng isang bahay, nang dumating ang isang may edad ng lalaki at pagdaka ay isinigaw ang pangalan ng taong may galas, at pagkarinig nito ay parang isang malakas na kulog na nagpatahimik sa lalaking nagwawala. Ayon sa mga usisero may Mutya raw sa Lintik ang Mama na nagpatahimik.

9. Ang Mutya sa Malindatu- ang bisa nito kung nasa katawan ng isang tao ay asahan daw na ligtas sa masasamang tao, lalo na kung ikaw ay isang biyahero  ay ligtas ka sa manghaharang at mandarambong.

10. Ang Mutya sa Ulik-Bangon-ang bisa nito kung nasa isang basong tubig at ipainom sa isang may sakit o naghihingalo na ay asahan daw na agad gagaling sa karamdaman. At ito rin ang madalas pag usapan sa may barberya ni ma Hano dahil may matandang kapit bahay na oras na lang ang hinihintay sa pagpanaw  ngunit paminsan-minsan ay nakikita pa ng marami na nagwawalis pa ng harapan ng bahay, kaya ang hinala nila ay may sa Ulik-Bangon.

11. Ang Mutya ng Bungang Kalog- ang bisa raw nito kung nasa katawan nino man ay asahang hindi tatamaan kung mapalaban ng barilan.

12. Ang Mutya sa Pagong na Puti- Ang bisa raw nito kung ibababad sa tubig at ipainom ang tubig sa isang may sakit na pagkatuyo (tb) ay asahang lalakas agad ito at bubuti sa karamdaman at mabisa rin daw ipambasa ang tubig na pinagbabaran ng mutya sa pagong na puti na ipanghimas sa manok na sasabungin, sapagkat hindi ito tatablan ng tari at asahan napalagi ang panalo.

13. Ang Mutya sa Bigas- ang bisa nito , sinasabing ang may mutya raw sa bigas ay hindi karaka-raka na nagugutom  at ang isang magandang bisa pa nitoy hindi raw nauubusan ng laman ang palabigasan at palagi may nadating na pandagdag. Naalala ko tuloy yun isa naming magtatapas noon sa bukid hindi ko nakikita na may dalang maluto kahit maghapunan ang tapasin hindi kumakain. Bulong nung  aming magkakawit , balitang may mutya ang lolo nyan baka sa kanya ipinamana.

14. Ang Mutya sa Kalabaw-ang taong nag-iingat ng Mutya  sa Kalabaw ay sinasabing walang kasing lakas. Sa kwentuhan nga diyan sa bayan sa may kanto ng Aglipay yun nga raw isang barbero  ay may Mutya dahil nung kabataan, kahit pagtulungan sa awayan ay hindi nagagapi at kahit umidad na sa isang bigwas lang matipunong sa anak na may galas ay bagsak na at himbing sa higaan.

15.Ang Mutya sa Kabayo- Ang tao raw na nag-iingat nito ay mabilis sa lakaran at hindi napapagod.

16.Ang Mutya sa Nangka-ang bisa nito ,kapag ito raw ay inilagay mo sa bibig ng isang nanganganak ay walang pagsalang madalaing lalagsang ang bata at hindi maghihirap ang ina. Inabot abot ko pa ang kwentuhan ng mga ina kapag may manganganak ay ang hilot na sabi’y taga Liliw daw ang may Mutya sa Nangka kaya siyang tawagin pag may manganganak.
     May karugtong po   sa susunod na yugto.
 
ISANG ARAW SA NAYON: Ikalabing-apat na yugto :By Bankero
ISANG ARAW SA NAYON: Ikalabingapat na yugto :By Bankero
Siguro hindi lingid sa inyo ang mga kwento noong una sa ating mga nayon ang tungkol sa mga Mutya , o galing ang tawag ng iba dahil talaga namang pambihira  ang bisa. Isang matandang taga nayon ng Lasaan ang minsan ay aking nakapanayam ay totoong may ankin din namang  alam, kapag ang kalabaw mo ay nawala ay masasabi kung makukuha pa o kinarne na, ay talagang ako namay hanga. At naikwento nga ang bisa ng mga MUTYA.
1.       Mutya ng Matamis-ang bisa nito kung nasasa bibig ng isang tao ay nakahihikayat sa isang dilag o binibini kailanman at makikipag-usap dito ng nahihinggil sa pag-ibig.
2.       Mutya ng Sampalok- ang bisa nito- kapag daw nasasa bibig ng isang tao ang mutya ng sampalok  an makikipag usap ito kanino, ay asahang ito ay maglalaway sa pagkakahikayat ito raw ay isang mabisang gamit kapag umaamot ka ng magandang katatayuan sa trabaho.
3.       Mutya ng Dayap-ang bisa raw nito ay sino man ang nagiingat at lalo na kung nasa bibig, at makikita ng dalagang pinipintuho o kahit sino man na marikit na dilag ay itoy mahahalina at magiging maamo.
4.       Ang Mutya sa Alitgaptap- ang bisa nito, kung sino man daw ang nag iingat ng Mutya sa alitaptap na  may tindahan o mangangalakal ay lubhang mabili ang mga tinda at medaling makahikayat ng mga mamimili.
5.       Ang mutya sa Sahing ang bisa nito kung ikaw ay nagiingat nito ay asahang sino man ang iyong makapanayam ay asahang kawili wili ang iyong mga pangungusap at ito daw ginagamit ng mga politico.
6.       Ang Mutya sa Niyog-ang bisa nito, sino man daw na Manginginom ng alak na may mutya sa niyog, at mapalaban ng barikan ay hindi malasing- lasing lalo na kung ito ay ilalagay sa bibig, mabisa rin dadaw itong ibabad sa tubig at gawing “Agua Tiempo” ng isang may karamdaman.
Ipagpapatuloy po natin ang kwento sa susunod…….. Ang kwento pong ito ay hindi kathang isip lamang, ito po ay isang karanasan, na naririnig, nakausap at base sa mga kwento ng ating mga matatanda sa una na taga Nagcarlan, at may patunay po ang aking yumaong Lola tungkol sa isang mutya, ang mutya sa itlog, ito raw ay isang pambihirang itlog na hindi nababasag, at kapag ibinabad sa tubig at ipinainom sa manok na isasabong ay asahan na hindi ito tatablan ng tari ng kalaban kung kayat ang kanyang Amain na nag-iingat nito ay palaging may uwing sambot. Mabisa rin daw ito na inumin ng isang sundalo na mapapasabak sa   labanan at silbing kalasag na di tinatablan ng punglo o ng patalim man.